Hindi pa rin ikinukunsidera ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng sibuyas sa kabila ng pagdoble ng presyo nito sa ilang pamilihan, lalo sa Metro Manila.
Ayon kay DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez, tinitingnan pa nila kung saan nagkukulang ang gobyerno kahit batid naman nilang hindi perpekto ang kanilang sistema.
Sa ngayon anya ay sumampa na sa P520 ang kada kilo ng presyo ng sibuyas sa ilang palengke habang ang farm gate price ay nasa P300 kada kilo kumpara sa P170 na SRP noong Oktubre.
Nilinaw ni Estoperez na “supply and demand” ang nagdidikta ng presyo kaya’t kung mababa ang supply o produksyon, otomatikong tumataas ang presyo.
Bagaman mayroong supply ng sibuyas, hindi naman ito sobra kumpara sa mataas na demand.
Aminado rin ang opisyal na mahihirapan silang diktahan ang presyo ng nasabing produkto dahil mataas ang production cost nito bukod sa paghihigpit sa SRP at maaaring walang magsasakang magbenta.
Samantala, inaasahan naman ng kagawaran ang harvest season ng sibuyas sa mga susunod na buwan subalit hindi pa nila mabatid kung gaano karami ang produksyon lalo’t may mga tumamang bagyo sa bansa.