Ipagpapaliban muna ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aanunsiyo ng resulta sa ginawang pagsusuri kaugnay sa kaso ng mga nangamatay na alagang baboy sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay DA spokesperson Noel Reyes, bagaman natanggap na nila ang resulta ng naturang pagsusuri ay sa Lunes, Setyembre 9, na maglalabas ng opisyal na pahayag si DA secretary William Dar hinggil dito.
Kasunod nito ay tiniyak naman ng DA na ligtas kainin ang mga karne ng baboy na nabibili sa palengke at mayroong certificate at tatak ng National Meat Inspection Service (NMIS).
Samantala, inaasahan namang mag-oorganisa ng isang “boodle fight” si Dar sa Lunes, Setyembre 9, kasama ang iba pang opisyal ng DA bilang patunay na ligtas kumain ng karne ng baboy.
Magugunitang sinabi ni Dar na ngayong Biyernes, Setyembre 6, ay iaanunsyo niya ang resulta ng test result sa sample na karne ng mga namatay na alagang baboy.