Hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag basta-basta maniwala sa sinasabi ng isang pag-aaral na ang mga taong nabakunahan na kontra dengue ay mayroon nang immunity laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinasabi kasi sa isang international study na ang ilang lugar umano sa Brazil na nagkaroon na noon ng dengue outbreak ay mayroong mababang COVID -19 transmission ngayon.
Pinag-aralan din umano ang kaso ng dengue at COVID -19 sa 15 bansa sa Southeast Asia, Latin America, Pacific Islands at Indian Oceans.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dapat na maging maingat ang lahat sa pagkakaroon ng interpretasyon sa mga lumalabas na pag-aaral partikular tungkol sa COVID -19.
Mahalaga aniyang alamin kung saan nanggagaling ang mga datos at sino ang nagbibigay ng interpretasyon dito.
Giit ni Vergeire, mapanganib kung basta lamang paniniwalaan ang lahat ng pag-aaral na lumalabas lalo’t kung iilan pa lang naman ang ginawang pagsisiyasat ukol dito.
Kasabay nito, tiniyak ni Vergeire na sisilipin din ng DOH ang naturang pag-aaral.