Nagpapatuloy na umano ang isinasagawang pag-aaral ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa medical marijuana bilang bahagi sa panukalang isabatas na ang paggamit nito sa Pilipinas.
Ayon kay PDEA Spokesman Dir. Derrick Carreon, makatutulong ng malaki ang magiging resulta ng nasabing pag-aaral para sa gagawing pagpapasya ng mga kongresista at senador sa naturang panukala.
Magugunitang noong 17th Congress, niratipikahan ng Kamara ang panukala ukol sa paggamit ng medical marijuana pero hindi ito nakapasa sa Senado kaya’t muli itong inihain noong nakalipas na Lunes bilang paghahanda narin sa papalapit na pagbubukas ng 18th Congress.
Kabilang din sa mga nakasaad sa panukala ang pagtatayo ng medical cannabis compassionate centers na siyang tututok sa pagbebenta at pamamahagi ng medical marijuana para sa mga kwalipikadong pasyente.