Mariing itinanggi ng Embahada ng Pilipinas ang ulat na umalis na ng Libya ang kanilang mga opisyal at inabandona ang mga Filipino sa gitna ng kaguluhan sa Tripoli.
Ayon kay Ambassador to Libya Elmer Cato, mananatili sila sa Tripoli at sasamahan ang Filipino community doon na tulad na ginawa ng mga naunang opisyal ng embahada.
Sinabi ni Cato, ikinagulat nila ang kumalat na kuwentong ilang tauhan ng embahada ang inutusan umanong lumipat sa Tunis.
Aniya, nasa loob lamang sila ng embassy at patuloy na minomonitor ang sitwasyon at kalagayan ng mga Filipino sa Tripoli.
Binigyang diin pa ni Cato, kahit noong nangyari ang pinakamarahas na sitwasyon sa kasaysayan ng Libya, hindi isinara ang Embahada ng Pilipinas sa Tripoli o inutusan ang mga kawani nito na umalis na sa nasabing lugar.
—-