Ibinida ng pamahalaan na kabilang na ngayon ang mga homeless na pawang sa mga kalsada lamang nakatira sa mabebenepisyuhan ng Pag-abot Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito’y matapos maglabas ng Executive Order No. 52 si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglalayong mailayo ang mga street dwellers at iba pang mahihirap mula sa kalsada at matulungan na maging produktibong miyembro ng lipunan.
Pahayag ng Pangulo, hindi lamang financial assistance ang kabilang sa assistance packages sa ilalim ng Pag-abot Program, kundi mayroon ding relocation, transitory shelter assistance, livelihood, at maging employment assistance habang magkakaloob din ng psychosocial support.
Sa ilalim ng EO, magkakaroon ng Inter-Agency Committee na titiyak sa implementasyon ng programa na pamumunuan ng kalihim ng DSWD habang magsisilbing Vice Chairman ang DILG secretary.
Sinabi ng Pangulo na ang programa ay magbibigay ng katiyakan para sa epektibong pagbibigay ng serbisyo patungo sa pagsugpo ng kahirapan.