Binatikos ni Vice President Jejomar Binay si Ombudsman Conchita Carpio-Morales bunsod ng pag-abswelto nito kay Pangulong Noynoy Aquino sa Mamasapano incident.
Ayon kay Binay, kaisa siya ng publiko sa patuloy na pagsigaw ng hustisya para sa 44 na miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) na nasawi sa madugong operasyon.
Giit pa ni Binay, may pananagutan umano si Aquino dahil na-bypass ang “chain of command” ng PNP at hinayaang makialam ang noo’y suspendidong PNP Chief na si General Alan Purisima.
Panibagong imbestigasyon
Samantala, humirit si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng panibagong imbestigasyon sa Mamasapano massacre.
Sa isang liham kay Sen. Grace Poe, Chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, hiniling ni Cayetano na muling busisiin ang insidente.
Giit ni Cayetano, hindi pa rin nasisilip ang katotohanan sa likod ng masaker, bukod pa sa magkasalungat na “findings” ng mga investigative body.
Idinagdag pa ng Senador na mayroong “chilling effect” sa buong police chain of command ang desisyon ng Ombudsman matapos isama sa mga pinakakasuhan ang ilang junior officers at survivors.
By Jelbert Perdez