Hindi umano maka-aapekto sa Senate Blue Ribbon Committee report ang pag-abswelto ng Office of the President sa apat na agriculture at Sugar Regulatory Administration officials na nasangkot sa sugar importation fiasco.
Ito, ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman, Senator Francis Tolentino, ay dahil sa iba at hiwalay sa ginawa nilang investigation report ang internal motu propio administrative investigation report ng Malakanyang na isang hiwalay na sangay ng gobyerno.
Nilinaw ni Tolentino na ang Blue Ribbon Committee Report sa naturang isyu ay resulta nang ginawa nilang serye ng public hearings kung saan ito ay inadopt “unanimously” ng mga senador.
Mayroon na anyang mga naging Supreme Court ruling na nagsabing kahit binasura ang kasong administratibo sa isang opisyal ng pamahalaan ay hindi ito nangangahulugan na hindi na maaaring ipagharap ng kasong kriminal sa kaparehong reklamo.
Idinagdag ni Senator Tolentino na independent proceedings ang ginawang internal investigation ng Office of the President, maging ang imbestigasyon ng senado at anumang gagawing imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa nasabing issue. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)