Inihayag ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na ang pag-abswelto sa kaso ni Dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at iba pang high profile cases ay walang kaugnayan sa naganap na pagpapalit ng gobyerno mula sa nagdaang Aquino Administration patungo sa liderato ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang pahayag ay ginawa ni Tang sa harap na rin ng sunud-sunod na dismissal ng kaso sa magkakaibang dibisyon ng Sandiganbayan.
Maliban kay Arroyo, abswelto rin sa criminal charges si Dating Comelec Chairman Benjamin Abalos na may kaugnayan sa NBN-ZTE anomaly.
Ibinasura rin ang plunder case laban sa 3 mga dating opisyal ng Department of Agriculture dahil sa P723-Million fertilizer fund scam noong 2004.
Iginiit ni Tang na anumang kaso na dine-desisyunan sa Anti-graft Court ay batay sa isinumiteng ebidensya.
By: Meann Tanbio / Jill Resontoc