Prayoridad ni Presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang pagbangon mula sa pandemya, sa oras na magtagumpay sa 2022 elections.
Kabilang sa nilalaman ng kanyang tawid-COVID, beyond COVID program ang pagtaas ng sahod ng nurses at healthcare workers.
Sa ilalim nito, patatatagin ang buong healthcare system ng bansa sa pamamagitan ng paglalaan ng mas malaking pondo para sa sweldo at benepisyo ng mga healthcare worker, pagdaragdag ng mga public hospital at pagpapalakas ng medical research capability ng bansa.
Magiging katuwang ni Marcos sa pagbuo ng programang ito ang ilang kinatawan mula sa medical at scientific research sectors, na tututok sa paglikha ng Philippine-made Medicines at vaccines, partikular sa COVID-19 at iba pang karamdaman.
Naniniwala ang dating Gobernador ng Ilocos Norte na dapat gawing prayoridad ang pagsasaayos sa sitwasyon ng mga frontline medical worker, kabilang na ang mga nurse, upang matiyak ang matatag na health care system sa gitna ng pandemya.
Ang mababang pasahod anya ang isa sa mga dahilan kaya’t maraming nurses ang nangingibang-bansa upang kumita ng mas malaki o lumipat ng panibagong career.—sa panulat ni Drew Nacino