Kilala ang mga Japanese sa kanilang displina. Sa katunayan, madalas silang ituring bilang pamantayan pagdating sa katangiang ito.
Patotoo rito ang isang video na nag-viral sa social media kamakailan. Bagama’t puno at siksikan na ang kanang hagdan at walang katao-tao sa kaliwa, makikitang naghihintay pa rin sila sa kanilang pagkakataon na makaakyat.
Dahil ito sa mahigpit nilang sinusunod ang patakarang, “Keep Right”.
Umani naman ang video na ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen.
Ayon sa ilang netizen, hindi susundin ng mga Pilipino ang ganitong patakaran dahil gagamitin pa rin nila ang hagdan na walang tao.
Komento naman ng isa, disiplinado ang mga Japanese dahil bata pa lamang, tinuturuan na sila ng mabuting asal; hindi umano katulad sa Pilipinas na kahit simpleng pagtapon sa tamang basurahan ay hindi magawa.
Ngunit ayon sa isang netizen, mawawala rin ang disiplina ng mga Japanese kung nasa bansa silang may malaking populasyon, katulad ng India.
Paliwanag niya, ilang minuto lang ang nasasayang ng mga Japanese sa ganitong paraan ng pag-akyat sa hagdan, ngunit kung sa ibang bansa ito, maaari silang ma-late ng ilang oras sa kanilang trabaho o paaralan.
Sinang-ayunan naman ito ng isa pang netizen na nagsabing hindi akma ang kultura ng Japan sa sitwasyon ng ibang bansa.