Ikinatuwa ng Malakaniyang ang pagkakasama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa listahan ng Forbes Magazine ng mga pinakamakapangyarihang tao sa buong mundo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, patunay lamang aniya ito na nagmumula sa mga Pilipino ang kapangyarihan ni Pangulong Duterte.
Maraming beses na aniyang sinabi at kinilala ng Pangulo na ang mamamayan ang siyang source o pinanggagalingan ng kaniyang kapangyarihan kaya’t patuloy nitong isinusulong ang interes ng publiko.
Ibinida rin ni Roque ang mga nagawa ng Duterte Administration partikular na ang war on drugs, independent foreign policy, pro poor policies at iba pang programang magpapagaan sa pamumuhay ng bawat Pilipino.
Magugunitang umakyat sa ika-69 mula sa ika-pitumpung ranggo ang pangalan ng Pangulo sa mga pinakamaimpluwensyang babae at lalaki sa mundo para sa taong ito.