Inatasan na ng Department of Foreign Affairs o DFA ang konsulado ng Pilipinas sa Jeddah na alamin ang kalagayan ng mga Pinoy sa isang village sa Saudi Arabia.
Ito’y kasunod ng sumbong sa Blas Ople Policy Center ng mga OFW na may nakikita silang mga rocket na nagliliparan at nagmumula raw ito sa mga rebelde sa border ng Saudi at Yemen.
Sinasabing 13.5 kilometers lamang ang layo ng tinitirahan ng mga OFW mula roon.
Aminado naman si DFA Undersecretary Jesus Yabes na unpredictable o paiba-iba nga ang sitwasyon ng seguridad sa tinukoy na village.
Gayunman, tiniyak nito sa publiko na ang ipinadalang grupo ng DFA roon ay maglalabas ng isang report kaugnay ng mga hakbang na ginawa nito.
By Jelbert Perdez | Allan Francisco