Ikinatuwa ng mga tsuper at mga pasahero ang pag-alis ng “no vaccination, no ride” policy sa National Capital Region (NCR).
Kasunod ito ng pagbaba sa Alert level 2 ng Metro Manila simula ngayong araw, February 1 na tatagal hanggang February 15.
Ayon sa tsuper na si Rodrigo Sedejan, napilitan siyang magpabakuna dahil noong nasailalim ng Alert level 3 ang NCR ay hindi umano sila pinapayagang lumabas o makabiyahe.
Sa pahayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, suspendido rin ang mga ordinansa sa mga lungsod na naglilimita sa galaw ng mga hindi bakunado.
Isinailalim sa Alert level 2 ang status sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19. —sa panulat ni Angelica Doctolero