Tiyak na mawawalan na ng saysay ang salitang serbisyo publiko kapag naipasa sa panukalang pag-amiyenda sa Saligang Batas ang probisyong alisin ang term limit para sa mga mambabatas.
Iyan ang binigyang diin sa DWIZ ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal makaraang muling igiit nito na labag sa umiiral na Saligang Batas ang pag-aalis ng term limit sa sinumang nanunungkulan sa pamahalaan.
Nangangamba rin si Macalintal na sakaling maipasa ang partikular na probisyong ito, mawawalan na rin aniya ng pagkakataon ang mga karaniwang mamamayan na maglingkod sa bayan dahil tanging mamamayani lamang aniya ang mga kasalukuyang nanunungkulan.
‘Yung probisyon ng Saligang Batas na iyang political dynasty ay hindi na dapat pinaiiral ay talagang nawala na kapag ganyang batas ang magiging patakaran natin. ‘Yung sinasabing opportunity of public service ng bawat mamamayan ay dapat magkaroon sila, mawawala na ang oportunidad na iyan kapag iyan napapasa.
Kasunod nito, iminungkahi ni Macalintal ang pagkakaroon ng malawakang edukasyon sa mga botante lalo na sa mga kabataan upang mapili ng husto at tama ang mga iboboto nilang kandidato.
Siguro dapat magakroon ng proper education ang kabataan natin about election, how to elect our government official, paano natin gagamitin ang ating kapangyarihan na pagboto.