Isasama sa agenda ng pagpupulong ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mungkahing tanggalin na ang deployment ban sa mga medical health worker.
Ito ang tiniyak mismo ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagsabing personal niyang idudulog kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing usapin.
Una rito, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na hinihintay pa nila ang desisyon ng IATF upang payagang makaalis na ng bansa ang mga health worker na may kumpletong dokumento.
Magugunitang sa huling resolusyon ng IATF, tanging ang mga health worker na may kumpletong dokumento nitong Marso 8 lamang ang papayagang malakabas ng bansa.
Sa sandaling maaprubahan, sinabi ni Bello na aabot sa 1,200 mga medical health worker ang makapagtatrabaho na sa ibayong dagat.