Nanghihinayang si Labor Secretary Silvestre Bello III sa apat na taong ginugol ng isang nursing o law student para makatapos ng kanilang kurso subalit sa huli ay hindi papasa sa nursing board at bar examinations.
Ito ayon kay Bello ay kaya’t isinusulong niyang mapag-aralang buwagin na ang nursing board at bar exam.
Sinabi sa DWIZ ni Bello na sa mga nais maging abogado ay kailangan bunuin ang tig-apat na taong pre law course at law proper bago sumalang sa bar examinations.
Hindi rin naman aniya matatawaran ang magagaling na nursing at law schools na talagang sinasala ang kanilang mga estudyante.
Gayunman, inamin naman ni Bello na kailangang maamiyendahan ang batas at magkaroon ng basbas ang korte suprema bago tuluyang buwagin ang mga nasabing government examinations.
4 years ka diyan, aaral ka, daming examination graduate ka pumasa ka, graduate ka pagkatapos nag-board exam ka tapos hindi ka pumasa. Hindi ba nasayang yung pagod, gastos at pagsisikap mo ng apat na taon diba? Dahil lang sa isang examination? Hindi ba iyon, iyon ang sinabi ko pero hindi ko naman sinasabing dapat gawin , sabi ko dapat pag-aaralan, ″pahayag ni Bello.