Nagpahayag ng suporta ang Department of National Defense kay Quezon City Regional Trial Court Executive Judge Cecilyn Burgos – Villavert.
Ito’y makaraang kuwesyunin ng Makabayan bloc sa kamara ang inilabas nitong search warrants sa tanggapan ng mga progresibong grupo sa Bacolod at Kabahayan ng Kadamay sa Maynila nitong huling dalawang araw ng Oktubre.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, walang batayan ang mga akusasyong bias si Judge Villavert tulad ng pinalulutang ng mga progresibong mambabatas.
Naniniwala si Lorenzana na hindi naman magpapalabas ng gayung kautusan ang hukom kung wala itong pinanghahawakang matibay na batayan.
Nais lamang aniya ng Makabayan bloc na dungisan ang integridad gayundin ang dignidad ni Judge Villavert maging ng buong justice system sa bansa.
Dahil sa pag-alma na ito ng Makabayan bloc, sinabi ni Lorenzana na tila inamin na rin ng mga ito na konektado nga sila sa partido komunista ng Pilipinas.