Patong-patong na protesta na ang inihain ng Pilipinas sa China dahil sa mga ginagawa nito sa West Philippine Sea at Benham Rise.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, simula noong 2016 umabot na sa isang dosenang protesta ang ipinadala ng Department of Foreign Affairs sa Chinese Assembly.
Pero ayon anya kay noo’y DFA Secretary Perfecto Yasay, puro pagtanggi lang ang sagot ng embahada ng Tsina at ayaw akuin ang ginawa ng kanilang mga barko sa dagat ng Pilipinas.
Aminado si Lorenzana, na hindi kayang itaboy ng Pilipinas ang China sa pamamagitan ng armas kaya idadaan na lang nila sa protesta ang kanilang mga pag-alma.
Mahalaga anya ang pag-protesta para hindi isipin ng China na okay lang sa Pilipinas ang mga ginagawa nila sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas.
Reclamation project
Samantala, ipinahinto ng Estados Unidos ang planong reclamation ng China sa Scarborough Shoal.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, May 2016 nang makatanggap ang Pilipinas ng report mula sa Amerika na naglalayag na patungong Scarborough Shoal ang mga barge ng China na may lamang lupa at construction materials.
Pero nang sabihan aniya ng Amerika ang China na itigil ang planong reclamation ay sumunod ito.
Ayon kay Lorenzana, itinuturing ng Amerika at Pilipinas na red line ang Scarborough.
Sinabi ni Lorenzana na sa oras na galawin ito ng China, kokomprontahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang China at ipepresinta ang desisyon ng International Court sa West Philippine Sea na pumapabor sa Pilipinas.
By Meann Tanbio | Report from Jonathan Andal (Patrol 31)