Nilinaw ng Malakañang na ang pag-atas na bakunahan laban sa COVID-19 ang mga benepisaryo ng pantawid pamilyang pilipino program para sa mga mahihirap ay may kaakibat na pag-amiyenda sa umiiral na batas.
Tinukoy ni Presidential Spokesman Harry Roque ang Republic Act 11310 o Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act na naglalayong pagkalooban ang mga pinaka-mahirap na pamilya ng buwanang ayuda na 3,000 hanggang 5,000 pesos.
Alinsunod sa nasabing batas, ang mga pamilyang tumalima sa mga kondisyon tulad ng pagkakaroon ng mga anak na estudyante, healthy practices at family development ay “entitled” sa cash assistance ng gobyerno, sa pamamagitan ng DSWD.
Ayon kay Roque, hindi naman executive program ang RA 11310 at hindi rin dito nakasaad na kailangang bakunado kontra COVID-19 ang bawat pamilyang miyembro ng 4Ps.
Gayunman, maaari naman anyang pag-aralan ng DSWD ang nasabing batas upang mapabilis ang pagbabakuna sa hanay ng 4Ps beneficiaries. —sa panulat ni Drew Nacino