Isinusulong ni Congresswoman Janet Garin na amiyendahan ang ilang bahagi ng Universal Health Care (UHC) law, partikular na ang limitasyon sa paggamit ng mga bagong gamot.
Sinabi ni Garin na maikukunsiderang restrictive sa pangangalagang pangkalusugan ang ilang probisyon ng UHC.
Ipinaliwanag ni Garin na sa ilalim ng UHC, ang bawat gamot at bakuna ay kailangang dumaan sa Phase 4 o post marketing surveillance para patuloy na tingnan at i-monitor ang epekto ng gamot o bakuna sa buong mundo habang patuloy na ginagamit ito.
Nangangahulugan ito aniyang habang may access at ginagamit na ng buong mundo ang partikular na gamot o bakuna ay nanonood pa lang ang mga Pilipino.
Inihalimbawa ni Garin ang paglabas ng Fapilavir na gamot sa 2019 coronavirus disease (COVID-19) habang marami pang ibang bansa at scientists ang agresibong gumagawa ng gamot at bakuna laban sa virus.
Ayon pa kay Garin, kahit irekomenda pa ng World health Organization (WHO) ang gamot, hindi pa rin kaagad ito tatangkilikin sa Pilipinas o kaya naman ay kailangan pang mag-abroad ng mga Pilipino para makapagpagamot.