Tutol ang mga oil company sa ilang amendments ng Kongreso sa Oil Deregulation Law sa gitna ng walang puknat na pagtaas ng presyo ng krudo.
Kabilang na rito ang unbundling ng presyo at probisyon na nag-aatas sa refiners, importers at bulk distributors na panatilihin ang minimum inventory requirement sa loob ng 30 araw.
Iginiit ni Fernando Martinez, Pangulo ng Independent Philippine Petroleum Companies Association (IPPCA) na hindi solusyon ang price unbundling upang matapyasan ang lokal na presyo ng oil products.
Magkakaiba anya ang halaga ng ginagastos ng mga oil company depende sa lugar kaya’t nagbabago ang presyo ng kanilang mga produkto.
Kabilang sa tinukoy ni Martinez na dahilan ng price distortion ay ang distansya mula ng isang fuel depot sa retail location, real estate cost at gastos sa permits.
Samantala, inihayag naman ni Phoenix Petroleum Philippines Senior Vice-President Raymond Zorrilla na bagaman hindi pa nila nakikita ang kopya ng substitute bill sa Kamara nag-aamyenda sa Deregulation Law, patuloy ang kanilang pagtalima sa batas.