Pinalagan ng grupo ng sugar producers ang plano ng pamahalaan na mag-angkat ng nasa 200,000 metric tons ng refined sugar mula sa ibang bansa para mapahupa ang sumisirit na presyo ng asukal sa merkado.
Ayon kay United Sugar Producers Federation President Manuel Lamata, malaking anomalya ang inilabas na order ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Milyun-milyong bags naman anya ng asukal ang nakaimbak sa mga sugar mill kaya’t hindi sila kumbinsido sa plano ng SRA.
Ipinunto naman ng SRA na layunin ng importasyon na mapunan ang kakulangan ng supply dahil sa epekto ng bagyong Odette at magkakaroon din ng buffer stock ang bansa hanggang sa pagsisimula ng susunod na milling season.
Gayunman, iginiit ni Lamata na nasa 20,000 hanggang 25,000 hectares lamang ng mga tubuhan ang naapektuhan ng bagyo o nasa 5% lamang ng kabuuang 480,000 hectares na inilaan para sa sugarcane.
Naghinihala naman ang grupo na may nagsasamantala kaya’t tumaas ang presyo ng asukal sa merkado habang kinuwestyon din nila kung bakit industrial users lamang ang pinahintulutan ng SRA na mag-angkat.