Naniniwala si Atty. Harry Roque, na hindi solusyon ang pag-angkat ng asukal sa bansa para mapababa ang presyo nito sa merkado.
Sa Facebook post ni Roque, traders ang isa sa mga dahilan kung bakit mataas pa rin ang presyo ng asukal sa mga pamilihan kahit pa pinayagan nang mag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal sa bansa.
Ayon kay Roque, kaya nananatiling mahal ang presyo nito, ay dahil iniipit ng mga trader ang kanilang mga produkto kung saan, hindi nila inilalabas ang tone-toneladang asukal dahil mababawasan umano ang kanilang kita.
Bukod pa dito, panahon na rin ng anihan kaya sapat ang suplay nito bago matapos ang taong 2022.
Iginiit ni Roque na mas mainam pa rin kung ang industrial users nalang o ang mga kumpaniya ng softdrinks ang payagang mag-angkat ng asukal bilang isa sa mga solusyon sa mahal na presyo nito.
Una nang nagpalabas ng memorandum order ang Department of Agricultureo (DA) na nagpapahintulot sa pag-angkat ng mahigit 64,000 metric tons ng refined sugar upang mapababa ang presyo nito sa mga pamilihan at matulungan ang publiko sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.