Walang pangangailangang mag-angkat ng bigas.
Ito ang iginigiit ni Rosendo So, Pangulo ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG sa gitna na rin ng pahayag ng National Food Authority o NFA na dapat nang mag-angkat ng bigas dahil sa kinakapos na reserba o buffer stock ng ahensya.
Sinabi sa DWIZ ni So na uubra namang ibigay na lamang sa NFA ang 35% taripa mula sa mga pribadong importer para madagdagan ang budget nito sa pambili ng palay mula sa mga magsasaka sa bansa.
Sa pamamagitan din nito aniya ay local farmers na ang mabibigyan ng subsidy.
“Sila ang mag-procure sa labas, yung subsidy na 35 percent na makokolekta sa private ‘yun ang ibigay sa NFA for additional price na puwedeng bilhin nila sa farmers. Bakit ka mag-aangkat ng bigas sa ibang bansa na sinu-subsidize ng government, eh ‘di ang dapat na i-subsidize ng government ay yung local na magsasaka na, ang NFA kasi gusto nila government to government kasi everytime na bumibili tayo ng G-to-G for the past how many years before na bibili tayo ng G-to-G tumataas ‘yan, so ibig sabihin may kickback yan.” Ani So
‘NFA’
Samantala, mayroon lamang dalawang option ang NFA para mapanatili ang buffer stock nito batay na rin sa kanilang mandato.
Kabilang dito ayon kay NFA Public Affairs Director Rex Estoperez ang pagbili ng palay sa mga magsasaka at pag-angkat ng bigas.
Sinabi sa DWIZ ni Estoperez na hindi kakayanin ng NFA na bumili ng palay o bagong ani na nasa P19 hanggang P22 ang halaga dahil hanggang P17 lamang ang kaya ng ahensya.
Dahil dito, ipinabatid ni Estoperez na kailangan na lamang mag-import para madagdagan ang reserba ng NFA na ang standard ay nasa 15 araw o nasa 9.6 million bags o 480,000 metric tons.
Priority aniya sa pinagbabagsakan ng NFA rice ang mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
“’Yung sa palengke natin na pang-stabilize dapat ng presyo ay wala po ‘yan kung meron man limitado po ‘yan, so hindi natin muna nag-re-release ng marami sa ating pamilihan pareho sana nung ginawa natin noon na itodo natin sa merkado para bumaba ang presyo ng ating commercial, ang nangyari pinabayaan nating umalagwa ang presyo ng commercial, sa ngayon hinahanap nila ang P27 na wala, yun yung NFA rice, may P32 tayo pero hindi natin ma-sustain ‘yun so walang NFA rice ngayon kung meron man limitado sa ating mga palengke.” Pahayag ni Estoperez
(Ratsada Balita and Balitang Todong Lakas Interview)