Ikinukunsidera ng pamahalaan na mag-angkat ng mas murang klase ng diesel sakaling magpatuloy ang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ito ang nakikita nilang paraan para maibsan kahit paano ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo lalo’t hindi aniya kontrolado ng pamahalaan ang paggalaw nito.
Gayunman nilinaw ni Roque, dahil walang sapat na storage facilities ang bansa, magiging limitado lamang ang maaaring angkating langis ng pamahalaan.
Asahan na rin aniyang hindi magiging malinis ito dahil pipiliin lamang ang may pinakamurang presyo.
Pagtitiyak naman ni Roque na magiging panandalian lamang ang nasabing hakbang para matugunan ang tumataas na ring presyo ng mga pangunahing bilihin bilang epekto ng patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.
(Ulat ni Jopel Pelenio)