Tutol ang mga lokal na pamahalaan, Department of Health (DOH) at isang eksperto na i-anunsyo sa publiko ang brand ng bakunang ituturok sa mga residente kasunod ng kaguluhang naganap sa Parañaque City nang dumugin ng taong-bayang nais mabakunahan ng Pfizer COVID-19 vaccines ang isang vaccination site.
Mungkahi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje sa mga nais mabakunahan, mangyari na pumunta na lamang sa vaccination site at kung anong bakunang available ay iyon ang ipaturok at hindi na dapat pang i-anunsyo ang brand ng naturang bakuna.
Kaugnay nito, nauna nang nagpahayag ang Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang maging mapili ang mga Pilipino sa brand ng COVID-19 vaccines.
Samantala, hindi naman sinang-ayunan ito ni Christian Magsoy ng Defend Jobs Philippines dahil baka aniya mas lalong mabigyan ng dahilan ang mga manggagawa na hindi sumunod sa pamahalaan dahil sa kawalan ng malinaw na plano at programa para sa pagbabakuna.