Tinuligsa ni Albay Representative Edcel Lagman ang pagpasa ng Kamara sa second reading ng death penalty bill.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ni Lagman na ni-railroad ang pagpasa sa pagbabalik sa parusang kamatayan.
Sa katunayan, aniya, hindi pinayagan ng House leadership ang pagsasagawa ng individual amendment.
“Hininto yung debate, hininto yung individual amendments at nag-moro moro sila na ipasa na on second reading ang death penalty bill, at kakampi nila yung presiding officer.” Ani Lagman
Bukod dito, sinabi pa ni Lagman na hindi napag-usapan kung sa paanong paraan ipapataw ang parusang kamatayan, ito ba ay sa pamamagitan ng firing squad, lethal injection at hanging o pagbigti.
“Hindi na umabot doon sa tatlong options ng means of execution yung firing squad, lethal injection at hanging, hindi na umabot dun, doon sa ipinasa nilang panukala batas, walang sinabi kung sino ang magde-desisyon, yung huwes ba ang magde-desisyon, yung prison officials ba o yung convict mismo, sa amin talaga lahat yun kailangan i-delete.” Dagdag ni Lagman
Para kay Lagman, ang lethal injection ang worst failure sa pagpapataw ng execution.
“Doon sa lethal injection yan ang pinaka-worst failure sa execution sapagkat kapag sinaksak mo ng lethal injection ang convict, hindi agad namamatay yan at pumapalpak nga, yan ang experience ng ibang bansa sa lethal injection, dahil pumapalpak nagiging cruel at inhuman yung punishment.” Pahayag ni Lagman
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview)