Pinangangambahang madiskaril ang pag-apruba sa panukalang 2021 budget dahil sa power struggle sa kamara at bangayan ng ilang kongresista sa infrastructure funds para sa legislative district sa ilalim ng panukalang budget ng Department of Public Works and Highways.
Sinabi ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na posibleng makaapekto sa kanilang timeline o kalendaryo para sa pagpapasa ng pambansang budget sa susunod na taon ang iringan sa mababang kapulungan.
Subalit, sana aniya ay hindi ito mangyari dahil nahaharap pa sa pandemya ang bansa at maraming mga Pilipino ang nawalan ng trabaho.
Iginiit ni Drilon na mahalagang maipasa ang panukalang budget bago matapos ang taong ito dahil nagbibigay ito ng spending authority sa gobyerno.
Kung hindi magiging reenacted ang budget sa pagpasok ng 2021, nangangahulugan itong hindi mapopondohan ang mga bagong programa hanggat hindi naipapasa ang pambansang budget sa susunod na taon.
Ayon pa kay Drilon, malaki ang posibilidad na may koneksyon sa 2022 elections ang bangayan ng mga kongresista sa budget. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno