Pag-aaralan ng senate committee on finance ang mga isinumite ng mga senador na individual amendments sa 2021 budget.
Kaugnay nito, sa halip na ngayong araw isagawa ang period of amendments at pagpapasa dito sa second at third reading, itinakda ito sa Huwebe, ika-26 ng Nobyembre.
Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng senate committee on finance, marami na sa kanyang mga kapwa senador ang nagsumite ng panukalang amendments bagay na pag-aaralan nila kung alin sa mga ito ang tatanggapin.
Giit ni Angara, laging malaking hamon para sa kanya ang pagpapasya kung alin ang tatanggapin sa mga panukalang amendments ng kanyang mga kapwa senador.
Sa Huwebes, target ng senado na maaprubahan sa ikalawa at ikatlong pagbasa ang panukalang budget para sa susunod na taon.
Paliwanag ni Angara, matapos ang paghagupit ng Bagyong Ulysses kung saan nasuspinde ng isang araw ang marathon session ng senado, nagbago talaga ang kanilang schedule sa pagpapasa ng budget kung saan, sa ika-26 ng Nobyembre itinakda ang target approval nito. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)