Pinaiimbestigahan ng Makabayan Bloc ng Kamara ang pag-apruba ng Department of Foreign Affairs o DFA sa marine study ng China sa Benham Rise.
Sinabi ng Makabayan Bloc na ang gagawing pag-aaral ng China ay pag-uulit lamang ng anila’y ‘modus operandi’ nito noong 2005 sa ilalim ng Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) ng administrasyong Arroyo para mapigilan ang Pilipinas sa claim sa Recto Reed Bank.
Nakasaad pa sa resolusyon ng Makabayan Bloc ang pagkaka-diskubre ng China sa mayayamang resources sa Recto Reed Bank na nakalap nito sa pamamagitan ng JMSU na hindi nila ibinahagi sa Pilipinas.
Pursigido anila ang China sa pagkuha sa mga mayamang natural gas deposit sa pamamagitan nang pagtatayo ng mga isla at paglalagay ng missile systems para makontrol ang area.
Una dito, inaprubahan na ng DFA ang application ng Amerika, Japan at South Korea para magsagawa ng scientific research sa Benham o Philippine Rise.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang hakbang ay patunay na hindi lamang China ang pinapaboran ng administrasyong Duterte para magsulong ng scientific research sa Benham Rise.