Militar ang itinuturo ng kampo ni Australian missionary Sister Patricia Fox na nasa likod ng pag-aresto at ngayon ay pagpapaalis sa kanya sa bansa.
Ayon kay Atty. Jobert Pahilga, abogado ni Sister Fox, ang National Intelligence Coordinating Agency o NICA ang nag-report hinggil sa di umano’y political activities ng madre na naging ugat ng pag-aresto sa kanya ng Bureau of Immigration.
Ibinunyag ni Atty. Pahilga na nagalit ang militar sa nilahukang fact finding mission ni Sister Fox sa Mindanao hinggil sa di umano’y mga pang-aabuso ng militar sa martial law sa Mindanao.
Kabilang aniya sa laman ng report ang mga interviews sa mga kaanak ng mga magsasaka na napatay sa Mindanao sa panahon ng martial law.
Duda si Atty. Pahilga kung nagkataon lamang na biglang kinansela ng BI ang missionary visa ni Sister Fox bago ilabas ang fact finding report na nakatakda sana ngayong linggo.
—-