Nilinaw ng Malacañang na walang kaugnayan ang pagkakaaresto kay PISTON President George San Mateo sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga aktibistang sumusuporta sa komunistang CPP-NPA at NDF.
Ito’y makaraang akusahan ng grupong BAYAN o Bagong Alyansang Makabayan ang administrasyong Duterte na nagsisimula na umanong walisin ang hanay ng mga militante makaraang ideklarang terorista ang grupo ng mga komunista.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw naman aniya ang naging paglabag ni San Mateo sa ilalim ng umiiral na Public Service Law na nagbabawal sa mga franchise holder na magkasa ng tigil-pasada at iba pang mga hakbang na sisikil sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Sa panig naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, iginiit ng tagapagsalita nitong si Atty. Aileen Lizada na ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho at dapat lamang umiral ang patas na pagpapatupad ng batas para sa lahat.
—-