Mariing kinondena ng grupong Gabriela Women’s Party ang ginawang pag-aresto ng Marikina City Police sa 10 indibiduwal na napagkamalang mga rallyista.
Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, mahigit na isang buwan na silang namamahagi ng tulong sa mga Marikeño sa pamamagitan ng community soup kitchen.
Giit ng mambabatas, kailan pa naging krimen ang pagsasagawa ng bayanihan na sa halip aniyang kilalanin ay iligal pang inaaresto ng mismong mga alagad ng batas.
Malinaw aniyang panggigipit sa ilalim ng rehimen ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang ito ng mga pulis sa mga miyembro ng Bayanihang Marikeña at Marikeño na ang layunin lang ay tumulong.