Umaasa ang pamahalaang lokal ng Benguet na may makukuha pa silang buhay sa gumuhong minahan sa Itogon sa kasagsagan ng bagyong Ompong.
Ayon kay Benguet Governor Crisencio Pacalso, may nangyari na ring landslide sa isang lugar sa Benguet kung saan nakakuha pa sila ng buhay dahil nakapagtago sa mga butas sa minahan.
Gayunman, hindi aniya gaanong malaki ang pag-asa nilang makakita pa ng buhay sa gumuhong chapel at bunk house.
Sinabi ni Pacalso na posibleng matagalan pa ang ginagawa nilang search rescue at retrieval operations dahil mano-mano itong ginagawa.
“May pag-asa pa pong may buhay pa kasi may nangyari na noon na ganyan dito sa amin akala namin wala na, may mga butas- butas po kasi sa loob at pumasok sila sa mga tunnel at doon nagtago.” Ani Pacalso
Samantala, tiniyak ni Pacalso na natigil na ang lahat ng small scale mining sa Benguet kasunod ng cease and desist order na inilabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa ngayon aniya ay inilalatag na nila ang mga programa upang matulungan ang nasa labing dalawa (12,000) hanggang dalawampung libong (20,000) small scale na minero sa kanilang lalawigan na apektado ng kautusan ng DENR.
“Ang utos kasi itigil lahat, tuloy-tuloy na ‘yan, at kung may makita tayong magandang lugar na puwedeng puntahan ng small scale miners na isang minahang bayan, meron na tayong 2 application dito so ‘yun na lang ang ifa-follow up at kung mabigyan ng permit ay doon na lang sila, hindi katulad ngayon na kung may pahintulot ng may-ari ng lupa ay puwede nang magmina.” Pahayag ni Pacalso
Tumulong na rin ang mga minero sa search operations ng kanilang mga kapwa minero at pamilya na natabunan ng landslide sa Itogon, Benguet.
Bagaman naniniwala ang mga minero na maliit na ang tiyansang may mabuhay mula sa gumuhong burol sa barangay Ucab, pursigido silang makuha ang bangkay ng mga kaibigan upang maibsan ang hinagpis ng kanilang mga kaanak.
Katuwang din ng daan-daang searchers ang ilang kaanak ng mga biktima at mga sniffing dog.
Umaasa naman ang local government ng Itogon na mapapabilis ang paghahanap sa mga natabunan sa pagtulong ng mga minero lalo’t eksperto ang mga ito sa tunneling at paghuhukay.—Drew Nacino
(Ratsada Balita Interview)