Sinimulan na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group-Central Visayas ang pag-asunto sa Filipino-Chinese Businessman na si Peter Lim na una nang tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa sa pinakamalaking drug lord sa bansa.
Ayon kay CIDG-7 Director, Supt. Royina Garma, nagsasagawa na sila ng kumpletong background at financial investigations kay Lim alinsunod sa utos ng kanilang mga superior.
Magpapadala aniya ng subpoena kay Lim ngayong linggo upang maobliga itong sumipot sa Department of Justice o DOJ na nangunguna sa imbestigasyon laban sa kanya.
Nilinaw naman ni Garma na kung may sapat na ebidensya ay agad sasampahan ng kaso sa korte ang negosyante.
Samantala, tiniyak naman ni Atty. Pedro Leslie Salva, abogado ni Lim, na makikpagtulungan sila sa mga pulis lalo’t wala namang itinatago ang kanyang kliyente.
Ready to cooperate
Nangako naman ang kampo ng negosyanteng si Peter Lim na makikipagtulungan sila sa mga awtoridad.
Kasunod ito ng inilargang imbestigasyon ng CIDG o Criminal Investigation and Detection Group sa Region 7 laban kay Lim.
Ayon kay Atty. Pedro Leslie Salva, abogado ni Lim, walang kinalaman ang kanyang kliyente sa operasyon ng iligal na droga at nanindigan itong pangkaraniwan lamang siyang negosyante.
Gayunman, handa silang sundin ang utos ng mga awtoridad dahil wala naman silang itinatago.
By Drew Nacino / Jaymark Dagala