May paalala ang ilang Information Technology Security experts sa publiko hinggil sa posibleng pag-atake ng mga Hacker sa Cyberspace ngayong Holiday Season.
Ayon kay Jonathan John Paz, Enterprise Information Security Officer at Data Privacy Officer ng BPI, nabatid na sa ganitong mga buwan tumaas ang mga kaso ng cyber frauds o mga Krimen gamit ang computers ng 50% batay sa datos mula sa 2018 global report.
Ayon kay Paz idinadaan ito ng mga hackers sa pamamagitan ng pagsend ng mga emails na mayroong harmful attachments tulad ng virus, malware, o kaya’y mapanlinlang na link kung saan maaaring makuha ang confidential information ng biktima.
Sa kabila umano ng sopistikadong cybersecurity systems, sinabi ni Paz na nakapangbibiktima pa rin aniya ang mga kawatan dahil sa tila pinaigting din ng mga ito ang kanilang ginagawa para makahanap ng butas at makapanloko ng kapwa.
Dahil dito kung kaya’t gumagawa ngayon ng paraan ang BPI upang tulungan ang ating mga kababayan pati na ang kanilang mga kliyente upang maprotektahan ang publiko mula sa ganitong mga modus.
Noong 2018 lamang, aabot na aniya sa $126B ang nawala dahil sa cyber crime, naniniwala si Paz na sa maibabahagi nilang kaalaman, magiging ligtas ang publiko at hindi na masasama sa mga biktima.