Kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ginawang pag-atake ng ilang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa tropa ng sundalo at NGO (non-government organization) na nagdala ng tulong sa mga biktima ng malakas na lindol sa Surigao del Norte.
Ito ay sa kabila ng idineklarang pansamantalang tigil putukan sa lugar ng rebeldeng grupo.
Sa panayam ng “Ratsada Balita”, nagpahayag ng pagkabahala si Padilla sa magiging epekto nito sa rehabilitation efforts sa lugar.
“Nag-declare sila (NPA) ng ceasefire sa lugar pero hindi sumusunod ang iba nilang miyembro, nababahala tayo dahil sa halip na makapag-focus sa relief operations ay nahahati pa ang ating mga sundalo ngayon.”
Aniya, dahil din sa insidente ay nakakaramdam na ngayon ng takot ang mga volunteer na namimigay ng tulong sa mga biktima ng kalamidad sa lugar.
Binigyang diin ni Padilla na suportado man nila ang pagkakaroon ng usapang pangkapayapaan sa rebeldeng grupo ay tila magiging imposible na ito dahil hindi na aniya nakakasigurado ang gobyerno na 100 porsyento pang nagkakaisa o united ang mga rebelde dahil sa marahas na hakbang ng grupo.
Alas-8:30 kagabi nang paulanan ng bala ng mga hinihinalang NPA ang miyembro ng Civil-Military Operations Officer ng 30th Infantry Batallion kasama ang ilang miyembro ng ABS-CBN foundation sa bahagi ng Brgy Linunggaman, San Francisco, Surigao del Norte matapos na maghatid ng relief goods, wala namang napaulat na nasawi sa insidente.
By Aiza Rendon | Balitang Todong Lakas (Interview)