Tumaas ang insidente ng mga pag-atake laban sa mga babaeng journalist sa loob ng labing limang (15) taon sa panahon ng makabagong teknolohiya sa buong mundo.
Batay ito sa United Nations Educational Scientific and Cultural Organizations (UNESCO) kung saan binigyang diin sa kanilang ika-62 UN Commission on the Status of Women ang kapuna-punang pagtaas ng bilang ng mga cyber harassment partikular sa mga babaeng journalist.
Sa kanilang ginanap na panel discussion, tinutukan kung paanong nailalagay sa mga sitwasyong bantad sa mga pag-atake ang mga babaeng journalist sa lugar ng kanilang trabaho at maging sa online.
Ayon kay Rappler Chief Executive Maria Ressa, naranasan niyang makatanggap ng nasa siyamnapung (90) hate messages kada oras sa loob ng isang buwan matapos ang kanilang exposé sa datos ng mga hinihinalang biktima ng extrajudicial killing sa Pilipinas.
Iginiit pa ni Ressa, mas maraming kababaihan ang nagiging target ng online attack kumpara sa mga kalalakihan.
Samantala, inihalimbawa naman ni UN Global Communications Head Alison Smale ang kaso ng isang babaeng journalist na pinaslang kasama ang kanyang fiancé sa Slovakia na aniya’y tunay na nakakakilabot.
—-