Huwebes pasado 12:00 ng hating gabi—Nabulabog ang ang mga empleyado at panauhin ng hotel – casino na Resorts World Manila dahil sa pagpasok ng isang armadong lalaki.
Ilang beses nagpaputok ng baril ang gunman sa ikalawang palapag ng gusali ngunit ayon sa mga saksi, walang pinapatamaan na tao ang suspek.
Dahil sa insidente, nag-panic at nagtakbuhan ang mga tao at ang ilan ay tumalon pa sa bintana. Isinugod naman sa ospital ang mga nasugatan.
Ayon sa ilang nakasaksi, kinuha ng suspek ang pera sa lamesa ng casino.
Biyernes, 1:30 ng umaga —Namataan ang sunog sa itaas ng hotel – casino na umakyat sa unang alarma. Agad namang rumispunde ang mga bumbero.
2:00 ng umaga—PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa dumating na sa lugar kasama ang miyembro ng Philippine National Police upang i-assess ang sitwasyon sa Resorts World.
Humarap din ang mga kinatawan ng Resorts World Manila at sinabing hindi pa matukoy kung paanong nakapasok ang gunman.
Lumabas naman ang ulat na inako na umano ng ISIS ang pag-atake sa hotel – casino ngunit hindi ito kinagat ng PNP.
Ayon kay Dela Rosa, pagnanakaw ang nakikita nilang motibo sa krimen dahil tinangkang tangayin ng suspek ang P113-M worth ng casino chips na isinilid nito sa isang bag at ‘di kalaunan ay naiwan sa isang restroom.
Nilagay sa lockdown ang buong lugar at pinalikas na rin ang lahat ng empleyado at guest habang isinasagawa ng PNP ang clearing operations.
7:00 ng umaga – Maliwanag na nang kumpirmahin ni Dela Rosa na namatay na ang suspek sa pamamagitan ng pagsunog nito sa sarili.
Natagpuan ang sunog na katawan ng suspek na sinasabing Caucasian-looking sa isang kuwarto sa ika-5 palapag ng gusali.
Dahil sa insidente, naantala ang ilang flights sa NAIA na katapat lamang ng Resorts World.
Sumunod rin ang pagpapalabas ng travel advisory ng Estados Unidos at Australia.
11:00 ng umaga – Ibinalita ng PNP na may narekober na silang 36 na nasawi sa loob dahil sa suffocation mula sa panununog ng suspek.
Pasado alas-12 ng tanghali – Nananatiling naka-lockdown ang Resorts World Manila at nagpapatuloy ang isinasagawang clearing operations ng PNP at Bureau of Fire Protection (BFP).
3:00 ng hapon – Hepe ng Southern Police District na si PSSUPT Tomas Apolinario kinumpirmang may hawak na silang person of interest hinggil sa pag-atake sa Resorts World.
COO ng Resorts World Manila na si Stephen Reilly humarap sa miyembro ng media at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima. Kinumpirma rin ni Reilly na 22 ang guests at 13 empleyado ang namatay sa insidente.
Kabilang sa mga panauhing nasawi ay sina:
- Caccam Katherine Cervantes
- P Ling Hung Lee
- Pacita Guillermo Comquilla
- Pomenciano Vargas Jr.
- Susan Abulencia
- Lai Wei Chung
- Jaime Gaboy Jr.
- Ariel Abrogar
- Lai Yu Cheeh
- Cliff Reyneira
- Rolando Pena Sison
- Eluterio Reyes
- Antonina Yuzon Allanigue
- Sheila Malicse
- Carmelita Taylo Delacruz
- Mielle Oliveros
- Pamela Silvestre
- Elizabeth Gonzales
(4 are still being identified)
Mga nasawing empleyado ng Resorts World:
- Hazel Yangco
- Jellah Ramos
- Melvin Herrera
- Arvi Gavino
- BJ Pagsibigan
- Rojie S Uy
- Jessica Alindogan
- Merylle Gwen Ala
- Lea Grace Mozo
- Loudette Santos
- Kay Nuguerra
(2 are still being identified)
Hepe ng Southern Police District humarap sa media at kinumpirmang lahat ng casualties ay namatay dahil sa suffocation, ngunit hindi inihayag kung sino ang person of interest kaugnay sa pag-atake sa Resorts World.
Mga bangkay ng nasawi sa nangyaring insidente sa Resorts World, isa-isa nang dumadating sa Veronica Funeral Homes sa Pasay City.
6:30 ng gabi - Sa panayam ng DWIZ, ibinunyag ni NCRPO Chief Director Oscar Albayalde na may narekober pang isang bangkay kaya’t umabot na sa 38 ang nasawi sa nangyaring insidente kasama na rito ang suspek.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa lugar.
By Aiza Rendon / Race Perez | DWIZ Reporters