Desisyon ng partidong PMP o Pwersa ng Masang Pilipino ang pag-atras sa presidential race ng kanilang pambato na si Rommel “Mel” Mendoza.
Sa panayam ng DWIZ, inamin ni Mendoza na naghain lamang siya ng certificate of candidacy o COC dahil sinabihan siya ni Senador Jinggoy Estrada na maghain ng kandidatura, habang hinihintay ang pinal na desisyon ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Pinaghahandaan umano noon ni Erap ang posibilidad na mapatawan ng disqualification si Senador Grace Poe o mabilanggo si Vice President Jejomar Binay na kapwa presidential aspirant.
Sinabi pa ni Mendoza na hirap siyang makapagpatakbo ng isang national campaign at suntok aniya sa buwan kung itutuloy pa niya ang pagsabak sa halalan.
“Pinag-usapan ng grupo namin, ako rin naman ay hindi kumikilos ng sarili ko rin at kinumbinse ang mga kasama natin upang pag-usapan ang bagay na yan, kung ano ang mga maaaring consequences, ginawa natin yan dahil kumpara naman sa mga kasama nating kandidato sa pagka-presidente ay isang parang magiging suntok sa buwan ang aking pagtakbo kung itutuloy ko ito.” Pahayag ni Mendoza.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita