Posibleng nais lamang mauna ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa pagiging speaker ng Kamara kaya siya umatras sa kaniya mismong panukalang term sharing kay Taguig Rep. Allan Peter Cayetano.
Ito ang nakikitang dahilan ng political analyst na si Ramon Casiple matapos biglang manlamig at umatras si Velasco sa nasabing panukala na inaprubahan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Casiple, normal lamang aniyang hakbang ito sa Kamara lalo na ng mga kandidato sa pagka-speaker subalit posible aniyang nakita ni Velasco na magiging negatibo ang balik nito sa kaniya.
Una nang sinabi ni Velasco na kaya ayaw niya ng term sharing ay dahil sa maaapektuhan ang operasyon ng mababang kapulungan sa gitna ng taon dahil sa mga pagbabagong kailangang ipatupad tulad ng pagpapalit ng committee chairmanship.