Inaalam na ni Presidential Spokesperson Harry Roque kung naihain na ng Palasyo ang formal request nito sa Commission on Audit (COA) para masimulan na ang pag-audit sa pondong ibinibigay sa Philippine Red Cross (PRC).
Ayon kay Roque, asahan nang kumikilos na ukol dito ang pamahalaan lalo’t mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na nais nitong ipa-audit ang government fund na pumapasok sa humanitarian body.
Mababatid na sa ngayon, wala pa aniya siyang impormasyon kung naipadala na o kung natanggap na ng COA ang formal request na ito ng Palasyo.
Magugunitang una nang sinabi ng Pangulo, na kung patuloy na magmamatigas ang PRC na ipa-audit ang pondo ng pamahalaan na pumapasok sa kanila, ay mapipilitan siyang ipatigil ang lahat ng transaksyon ng pamahalaan dito.—mula sa ulat ni Patrol 17, Jopel Pelenio