Magpapadala ng mga karagdagang tauhan ang Philippine National Police (PNP) para makapagbigay ng ayuda sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Sa gitna na rin ito ng pinangangambahang mas malakas at mapanganib na pagsabog ng bulkan.
Ayon kay PNP officer-in-charge Lt. General Archie Gamboa, nagdeploy na sila ng pitong truck na kayang magsakay ng hanggang 80 katao para sa isinasagawang pagpapalikas.
Inatasan na rin ni Gamboa ang mga police commanders na magsagawa ng assessment sa mga ipadadalang karagdagang kagamitan at tauhan sa mga lugar na apektado ng pag-aalburuto ng Taal.
Kabilang aniya sa mga kanilang inihahanda ang mga karagdagang puwersa, sasakyan at mga makokolektang reliefe goods para sa mga evacuees. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)