Aprubado na sa House Committee on Government Reorganization at Committee on Public works and Highways ang Substitute Bill na naglalayong buwagin ang Road Board.
Kasunod ito ng mga ulat ng kurapsyon sa loob mismo ng ahensiya.
Ayon kay House Committee on Government Reorganization Chairman at Camiguin Representative Xavier Jesus Romualdo, mas lumakas ang alegasyon ng katiwalian sa Road Board matapos na mismong ang mga mambabatas na ang hinihingan umano ng kickback ng mga sinasabing opisyal ng board.
Dagdag ni Romualdo, layunin din ng panukala ang mas transparent at maagap na paggamit sa nakokolektang pondo mula sa Motor Vehicle User’s Charge o MVUC na kasalukuyang hinahawakan ng Road Board.
Ang pondong nakukuha sa MVUC ay ginagamit sana sa mga road maintenance, pagsasaayos ng mga drainage, traffic lights, iba pang road safety devices at air pollution control.
Nakasaad din sa nasabing panukala ang paglilipat sa Department of Public Works and Highways ng pondo para sa mga road projects habang mapupunta na sa Department of Environment and Natural Resources ang pondo para sa pollution control.
Posted by: Robert Eugenio