Iginiit ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa House Justice Committee na ma-cross examine ang mga testigo bago isalang sa impeachment proceedings laban sa punong mahistrado.
Kasunod ito ng pahayag ni Committee Chair Reynaldo Umali na papayagan lamang nila ang cross examination, kung si Sereno ang gagawa nito at hindi ang kaniyang mga abogado.
Isang sulat ang ipinadala sa komite ng kampo ni Sereno para matiyak ang karapatan niyang magkaroon ng mga abogado at maisagawa ng mga ito ang cross examination sa mga testigo sa impeachment proceedings.
Bukas naman si Atty. Larry Gadon na ma-cross examine siya o makumpronta kapag dininig na ng House Committee on Justice ang inihain niyang impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Gayunman, iginiit ni Gadon na kailangang sumunod si Sereno sa panuntunan ng komite na tanging ang inirereklamo lamang o si Sereno mismo ang dapat mag-cross examine sa kaniya at hindi ang kanyang mga abogado.