Suportado ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang hirit ni Senador Risa Hontiveros na i-decriminalize ang libel sa bansa.
Ang panukala ay inihain ni Hontiveros matapos hatulang guilty sa kasong cyberlibel ang mamamahayag na si Frank Cimatu kaugnay sa isang Facebook post nito noong 2017 na hinggil kay dating Agriculture Secretary Manny Piñol.
Ayon kay NUJP President Jonathan de Santos, hindi umaayon ang kasong libel o criminal libel sa prinsipyong pinanghahawakan ng pilipinas na itinatag bilang demokratikong bansa.
Marami anya ang maaaring makulong hindi lamang ang mga nasa industriya ng pamamahayag kundi pati rin ang ilang gumagamit ng kanilang right to freedom of expression.
Nilinaw naman ni de Santos na hindi nito hinihiling na huwag na parusahan ang mga maling gawain ng mga mamamahayag, bagkus ay ihabla na lamang sa korte at pagmultahin ang mga masasangkot. - sa panulat ni Hannah Oledan