Ipinanawagan ni Alliance of Health Workers (AHW) President Robert Mendoza ang pag-doble sa suweldo ng mga healthcare worker na pangunahing nakikipaglaban sa pandemya.
Ayon kay Mendoza, tulad ng mga ipinatupad na benepisyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis at sundalo, karapatan ng mga health worker ang mataas na sahod dahil nasa peligro rin ang kanilang buhay.
Kahit anya tawagin ni Pangulong Duterte na bagong bayani ang mga doktor, nurse at iba pang medical frontliner, hindi ito sapat kumpara sa kanilang sakripisyo ngayong may pandemya.
Iginiit ni Mendoza na dapat tapatan ng Pangulo at Department of Health ng pagkalinga at pangangalaga ang iniaalay na dugo’t pawis ng mga health worker sa pamamagitan ng umento sa sahod at dagdag benepisyo.
Maliban sa ‘Special Risk Allowance, umaapela rin ang AHW sa gobyerno na ilabas na ang kanilang hazard pay, meals, accomodation at transportation allowances. —sa panulat ni Drew Nacino