IKINATUWA at malugod na tinanggap ni presidential frontrunner dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang pag-endorso sa kanya ng Iglesia ni Cristo (INC) sa darating halalan sa Mayo 9, kasabay ang paniniguro niya na ipagpapatuloy ng kanilang UniTeam ang pagsulong sa pagkakaisa para tuluyang maka-recover ang bansa mula sa pandemya at muling mapaunlad ang ekonomiya.
Si Marcos at ang kanyang running mate na si Inday Sara Duterte ay pormal na inendorso ng INC nitong Martes, o anim na araw na lamang bago ang halalan.
Nakaugalian na ang mga pinipiling kandidato ng lider ng INC na mayroong dalawang milyong botante ay karaniwan ding sinusunod ng kanilang mga miyembro bilang bahagi pa rin ng kanilang “unity doctrine.”
“Ako po at ang aking pamilya, sampu ng buong alyansang nakapaloob sa UniTeam, ay labis na nagagalak at buong pusong nagpapasalamat sa suportang inihayag ng kapatirang Iglesia Ni Cristo, sa pangunguna ng kanilang Tagapamahalang Pangkalahatan Kapatid Eduardo V. Manalo,” saad ni Marcos.
“Ang pagpili sa amin ni Apo Bongbong Marcos bilang mga kandidato na kanilang sinusuportahan sa pagka-presidente at bise presidente sa darating na halalan ay isang malaking karangalan na may kaakibat na hamong nakatuon sa aming kakayahang mapag-isa ang bansa … mapagbuklod ang mga Pilipino … at maitawid and sambayanan sa krisis na dulot ng pandemya,” pahayag ni Inday Sara sa isang pre-recorded video kasama si Marcos.
Siniguro naman ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer na hindi niya bibiguin ang pamunuan ng INC sa pagpili sa UniTeam bilang susunod na mga lider ng bansa.
“Sisikapin po namin na ang tiwalang ipinagkaloob ng kapatirang Iglesia Ni Cristo ay magbubunga ng tunay na pagkakaisa ng mga Pilipinong nagmamahal sa Pilipinas at walang alinlangan na sama-samang haharap sa mga pagsubok na daraanan sa paghanda ng magandang bukas para sa ating kabataan,” ani Marcos.
Ayon naman kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita at chief of staff ni Marcos, nagpapasalamat sila sa suporta na ibinigay ng pamunuan ng INC sa UniTeam.
“Ang tambalang Bongbong Marcos-Sara Duterte ay buong kababaang loob na tinatanggap ang pag-endorso ng mga kapatiran natin mula sa Iglesia Ni Cristo sa pangunguna ng Tagapamahalang Pangkalahatan Kapatid Eduardo Manalo,” sinabi ni Rodriguez.
“Amin pong pakapahahalagahan ang suportang inyong ibinigay katulad din sa suportang ipinamalas ng higit sa mayorya ng ating mga kapwa Pilipino,” aniya pa.
Sina Marcos at Duterte ay kapwa namamayagpag sa mga respetadong survey sa bansa kabilang ang Social Weather Station (SWS), Pulse Asia, Octa Research, Laylo at maging ang mga Kalye surveys.
Matatandaan na nitong 2016, inendorso rin ng INC si Presidente Rodrigo Duterte at Marcos na noon ay tumatakbong bise-presidente.
Naging tradisyon na ng mga pulitiko na manligaw at hingin ang basbas ng INC na kayang magbigay ng milyong boto mula sa kanilang mga myembro.
Nabatid na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., din ang dinala ng INC noong 1965, 1969, 1981 at 1986 presidential elections.
Napatunayan na rin sa kasaysayan na karamihan, kung hindi man lahat, sa inendorso ng INC ay naipapanalo nila sa eleksyon.