Sinabon ng LP o Liberal Party ang miyembro nitong si Samar First District Representative Edgar Mary Sarmiento kaugnay sa pag – endorso nito ng impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Giit nina LP President Senador Kiko Pangilinan at Secretary General Kit Belmonte na dapat kumonsulta muna si Sarmiento sa pamunuan ng LP bago ito nagdesisyon.
Anila, bagamat bahagi ang impeachment ng demokrasya at konstitusyon, maaari itong makasira sa mga institusyon sakaling magamit ito laban sa mga hindi kaalyado ng gobyerno.
Matatandaang si Sarmiento ay isa sa 25 mambabatas na nag-endorso sa impeachment complaint laban kay CJ Sereno.
Nakatakdang simulan ang pagdinig sa reklamong katiwalian nina CJ Sereno at Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista sa Kongreso sa susunod na linggo.